Ang mga kathang-isip na pang-agham o siyensiyang piksiyon, o science fiction sa Ingles (SF, S.F., o sci-fi kapag pinaikli), ay isang malawakang anyo ng panitikan at ibang media na karaniwang kinabibilangan ng mga pagmumuni-muning batay sa pangkasalukuyan o panghinaharap na kalagayan ng agham o teknolohiya.
Nakikita ang paksang ito sa mga aklat, sining, telebisyon, pelikula, laro, tanghalan, at marami pang iba. Nahahalo rin ang ganitong uri ng pagsasalaysay sa mga kathang may kababalaghan o pantasya, at maging sa mga kuwento ng pag-ibig, digmaan, katarungan, at iba pang mga kaugnay na anyo. Subalit, ang salaysaying makaagham ay hindi kuwento ng mga kababalaghan o katatakutan. At kaiba rin ito mula sa pantasya. Kabilang ang salaysaying makaagham sa piksiyong espekulatibo.
Mahirap bigyan ng kahulugan ang salaysaying makaagham dahil kinabibilangan ito ng malawak na sakop ng mga kasamang-paksa at mga tema. Sinuma ng may-akda at patnugot na si Damon Knight ang kahirapang ito sa pagbibigay-kahulugan sa pagsasabing "ang salaysaying makaagham ay kung ano ang itinuturo natin kapag sinasabi natin ito. Ikinatwiran ni Vladimir Nabokov kung magiging mahigpit tayo sa ating mga pagkakahulugan, maaaring ibilang at tawaging salaysaying makaagham ang dulang The Tempest (Ang Mabangis na Bagyo) ni William Shakespeare.
Ayon sa manunulat ng siyensiyang piksiyon na si Robert A. Heinlein, "maaaring basahin ang isang gamitin at maikling kahulugan ng halos lahat ng mga salaysaying makaagham ng ganito: makatotohang pagbabakasakali hinggil sa mga maaaring maging mga kaganapan sa hinaharap, na tiyakang ibinatay sa sapat na kaalaman tungkol sa tunay na mundo, nakalipas at kasalukuyan, at maging sa puspusang pagkakaunawa sa likas na katangian at kahalagahan ng pamamaraang makaagham Para kay Rod Serling, binanggit niya ang kahulugan ito: "Ang Salaysaying Makaagham ay ang improbableng naging posible, at ang Pantasya ay ang imposibleng naging probable." Isinulat ni Lester Del Rey na "Maging ang debotong tagasunod - o tagapagtangkilik - ay nahihirapan din sa pagsubok na ipaliwanag kung ano ang salaysaying makaagham," at ang dahilan kung bakit walang "buo at kasiya-siyang kahulugan" ay dahil "walang mga madaliang masasabing hangganan para sa salaysaying makaagham." Hayagang ginamit ni Forrest J. Ackerman ang terminong "sci-fi" (daglat para sa science-fiction) sa UCLA noong 1954, bagaman ginamit ito ni Robert A. Heinlein sa isang pribadong pakikipag-ugnayan anim na taon na ang nakararaan. Sa pagpasok ng salaysaying makaagham sa kalinangang bantog, iniugnay ng mga manunulat at mga tagapagtangkilik ng larangan ang katawagan sa mga pelikulang may gradong B - mga panooring hindi primera-klase ang kalidad na naisagawa ng hindi ginugugulan ng maraming salaping at may hindi-gaanong binahagian ng sapat na teknolohiya. Iniugnay din ng mga manunulat at mga tagapangkilik ito sa mga babasahing nasa mga magasin na may mababang kalidad. Nang sumapit ang mga dekada ng 1970, ginagamit na ng mga manunuri sa loob ng larangan, katulad nina Terry Carr at Damon Knight ang daglat na "sci-fi" upang maipagkaiba ang mga sulating hindi-gaanong pinagtuunan ng pansin at pagtitiyaga mula sa mga seryoso at taimtim na inihandang salaysaying makaagham, at noong mga panahon ng 1978, ipinakilala nina Susan Wood at ng iba pa ang pagbigkas na "skiffy" (iski-fi) para sa sci-fi. Isinulat ni Peter Nicholls na "SF" (o "sf") ang "mas iniibig na gamiting daglat sa loob ng komunidad ng mga manunulat at mambabasa ng salaysaying makaagham." Sa buwanang Ansible - isang fanzine o mga magasing elektroniko para sa mga tagapagtangkilik - ni David Langford nabibilang ang isang palagiang seksiyong "As Others See Us" (Kung Paano Tayo Tingnan ng Iba) na nagaalok ng maraming mga halimbawa na ginagamit ng mga tao ang "sci-fi" sa isang diwang nakabababa ng antas, sa labas ng anyong panlarangan ng salaysaying makaagham.
Naiiba ang kathang-isip na salaysaying pang-agham mula sa mga gawang tuwirang bungang-isip lamang sapagkat maaaring maganap o matupad ang pinaka-paksa at mga bahagi ng kuwento, na batay sa mga napatunayang kaisipan sa larangan ng agham at mga batas ng kalikasan. Tinatalakay nito ang samu't-saring posibilidad na maaaring kakaiba ang pook ng pinangyarihan mula sa kinikilalang katotohanan.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
Ang pagtarok at pagtuklas ng mga kaibahang nabanggit ang siyang pinaka-puno at naka-ugaliang paksa at pakay ng mga kathang-isip na salaysaying pang-agham. Ito ang "panitikan ng mga kaisipan". Layunin ng salaysaying makaagham ang pagpapaliwanag ng walang-katapusang pagbabago, at maging ang pagtalakay sa kung ano ang maibibigay ng darating pang hinaharap. Ito ang panitikan ng bago, makabago at nakapagbibigay-bungang mga kaisipan. At sinasagot o hinuhulaan ng manunulat ng salaysaying makaagham ang katanungang "ano kaya ang mangyayari kung..."
Nahulaan ng mga salaysaying makaagham ang mga natupad na mga ideyang ginagamit sa pangkasalukuyan: katulad ng pagkakalikha ng aparatong radar, mga sasakyang pang-ilalim ng dagat, panghimpapawid at pang-kalawakan, paglalakbay sa kalawakan, robot, telebisyon, kompyuter, at ng bomba atomika.
Isang iba pang uri ng salaysaying makaagham ang alternatibong kasaysayan o ukroniya (mula sa Kastilang ucronía). Halimbawa ang 1984 ni George Orwell.
Ang pagtuluyan ng posibleng kasaysayan ay pinag-uusapan ng maraming manunulat. Ang Last and First Men (Pinakahuli at Unang Katauhan) ni William Olaf Stapledon ay tungkol sa dalawang bilyong taong kinabukasang kasaysayan ng tao.
Sa Hapon, ang tawag sa salaysaying makaagham ay makatradisyong 科学小説 kagaku shousetsu o kaya modernong SF小説 esu efu shousetsu o エスエフ esu efu.
Isa sa pinakaunang salaysaying makaagham ang Histoire comique des états et empires de la Lune {Wikang Pranses} (o Ang Nakakatuwang Salaysay mula sa Bayan at Imperyo ng Buwan, {siglo 1600}) ni Cyrano de Bergerac, isang kuwentong tumukoy sa paglalakbay sa kalawakan sa pamamagitan ng mga rocket o sasakyang pangkalawakan. Itinuturing ding salaysaying makaagham ang Odyssey ni Homer, sapagkat noong kapanahunan ng may-akda itinuturing na katotohanan ang pagkakaroon ng mga dambuhala, sirena, at mga diyos. Kabilang din sa mga pangunahing tagapag-taguyod ng mga salaysaying makaagham [mula siglo 1800 hanggang 1900] sina Edgar Allan Poe, Jules Verne, H.G. Wells, Edgar Rice Burroughs, Hugo Gernsback, at John W. Campbell, Jr. Tinalakay ng mga gawain ng mga manunulat na ito ang paglalakbay sa buwan sa pamamagitan ng malaking lobo, mga makabagong imbensiyon katulad ng submarino, mga mananalakay mula sa ibang planeta, ang paglalakbay sa nakaraang panahon, mga buhay at katayuan sa ibabaw ng ibang mga planeta, at iba't ibang paksa hinggil sa larangan ng kaugaliang pantao.
Nasa wikang Ingles ang mga sumusunod:
This article uses material from the Wikipedia Tagalog article Kathang-isip na pang-agham, which is released under the Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 license ("CC BY-SA 3.0"); additional terms may apply (view authors). Maaaring gamitin ang nilalaman sa ilalim ng CC BY-SA 4.0 maliban kung nabanggit. Images, videos and audio are available under their respective licenses.
®Wikipedia is a registered trademark of the Wiki Foundation, Inc. Wiki Tagalog (DUHOCTRUNGQUOC.VN) is an independent company and has no affiliation with Wiki Foundation.