Ang sayusay o retorika ay isang uri ng sining na naipapakita sa pamamagitan ng paggamit ng wika sa paraang pasulat o pasalita.
Ito rin ay maihahambing sa linggwistikal na pananaw kung saan ito ay maaaring maipakahulugan bilang isang pag-aaral patungkol sa kaalaman ng tao sa mga salita, o sa mas malawak na pagtukoy, lenggwahe. Ginagamit ng isang indibidwal ang retorika upang maayos at mabisa nitong maipahayag ang kanyang saloobin patungo sa kanyang tagapakinig na siyang nakatakdang tumanggap ng mensaheng ipinababatid. Bukod pa rito, ang retorikal na paggamit ng wika ay mainam upang maipakita ng isang tao ang kanyang kagila-gilalas na kasanayan sa pakikipagtalastasan.
Ayon sa mga impormasyon na nakalap mula sa iba't ibang aklat, isang mahalagang kaalaman ng pagpapahayag ang retorika sapagkat tinutukoy nito ang angking abilidad na tumutugaygay sa pagsusulat o pagsasalita ng isang tao, bagay na humuhulma sa mga pangunahing kasanayan sa larangan ng komunikasyon. Maaari din itong maisambit bilang isang punla ng kahusayan ng isang nilalang sa pagpili ng mga salitang nais niyang iparating, kung kaya't ito ay isang epektibong paraan ng pakikipagdayalogo. Mula ang salitang "retorika" sa salitang Latin na rhetor, na nangangahulugang "guro" o "mahusay na mananalumpati".[kailangan ng sanggunian] Susi ang pag-aaral ng retorika tungo sa mabisang pagpapahayag ng nauukol sa kaiga-igaya at epektibong pagsasalita o pagsulat at isa ring hibla ng produktibong pag-aaral upang makabuo ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng pili at wastong pangungusap na may maangkop na layunin.
Bilang isang sining, isa itong sining na kooperatiba, temporal, limitado at nagsusupling. Ilan sa mga gampanin nito ang pagbibigay daan sa paglinang ng kasanayan sa komunikasyon, pag-aabala, pagpapalawak ng pananaw, pagbibigay ngalan, at pagbibigay kapangyarihan.
Sa tradisyunal na pagkilala sa sining na ito, karaniwang iniuugnay ang retorika sa sining ng pagbigkas at samakatuwid ay kinakailangang masangkapan hindi lamang ng mga estilo sa pananalita kundi maging sa paggamit ng jestyurs at galaw para maging epektibo at kaakit-akit sa mga tagapakinig. Kaugnay nito, sinasabi nina William D. Halsey at Emmanuel Friedman (1979) na ang retorika ay isang berbal na agham at humahakdaw pa sa lojic at balarila. Sa pagbibigay diin nito sa paggamit ng mga salita bilang epektibong sangkap, ang retorika ay nakatuon sa maaring magawa ng mga salita at hindi sa kinakailangang istruktura o ayos ng mga salita sa isang pahayag. Ang binibigyang importansya sa retorika ay kalayaan sa pagpapahayag at hindi ang mga panuntunang ipinagbabawal ng lojic at balarila. Maaring sabihing sa retorika, ang mahalaga, unang-una ay ang epektibo at ang magandang pagpapahayag bago pa ang lojic at balarila. Hindi sapat ang maging wasto lamang ang ayos ng mga salita sa loob ng isang pangungusap. Kailangang mahigitan pa ang mga ito sa pamamagitan ng maganda at mabisang pagpapahayag na magagawa lamang ng isang malikhaing manunulat sapagkat siya’y may kakayahan sa paggamit ng mga salita bukod sa may kinalaman sa mga prinsipyo ng retorika at ng mga sangkap nito. Kaya hindi nga kataka-taka kung bakit ang mga nasa mass media ay mahuhusay; sa sa pagkakaalam nila ng mga sangkap ng retorika, namamanipula nila ang isipan ng kanilang mga tagapakinig at mambabasa sa pamamagitan lamang ng paggamit nila ng mga salita.
Sinasabing nagsimula ang retorika bilang isang sistema ng pakikipagtalo sa Syracuse, isang isla sa Sicily noong ika-limang siglo bago dumating si Kristo. Makaraang bumagsak ang kanilang pamahalaang diktaturyal, ang mga mamamayan doon ay binigyang pagkaka-dumulog at ipagtalo sa hukuman ang kanilang karapatan sa mga lupang inilit ng nakaraang rehimen. Ang marunong na si Corax, isang tagaroon, ang nagpanukala sa mga tuntunin ng paglalahad ng kanilang argumento. Ayon sa kanya, upang makuha ang simpatiya ng mga nakikinig kailanagan ang maayos at sistematikong pagpapahayag ng mga katwiran. Nakasentro ang kanyang pamamaraan sa talumpati na kakikitaan ng limang mahahalaganag elemento: ang proem o introdusyon; ang salaysay o pahayag na historical; ang mga pangunahing argumento; mga karagdagang pahayag (supplemental statements) o kaugnay na argumento (supporting arguments); at ang konklusyon. Naimbento nila ang retorika sa layuning makahikayat at mapunuan ang anumang pagkukulang sa mga konkretong katibayan (concrete evidence).
Makikita agad dito na sadyang ginagamit ang retorika sa pag-apila sa emosyon at di gananong binibigyang diin ang katumpakan at kalakasan ng argumento. Ayon pa sa mga sophist, Makapal na panitik (katawagan sa pangkat ng matatalinong tao noon), ang retorika ay angkop sa pagtatamo ng kapangyarihang political sa pamamagitan lamang ng kanilang pagpapahalaga sa paksang ipinaglalaban at estilo sa pagbigkas. Maaring binabatikos naman ito ni Socrates (c. 470–399 B.C.) sa pagsasabing walang hangad ang mga sophist maliban sa kabayarang kanilang tinatanggap sa pagtuturo at ang kanilang lubhang pagbibigay diin sa retorika bilang sining ng pakikipagtalo (debate) at hindi sustansiya ng talumpati. Ang ganitong pamamaraan, banta pa niya, ay nagtuturo lamang sa mga estudyanteng palabasin ang kasamaan ng isang mabuting adhikain. Kinikilalang pinakama-impluwensiyang retorisyan noon si Isocrates (c. 436–338 B.C.). Nagtatag siya ng sariling paaralang magtuturo ng istilo ng pananalumpati batay sa maindayog at magandang pagkakatugma ang mga salita sa paraang tuluyan o prosa. Kakikitaan ang kanyang sariling prosa ng mga maikli ngunit eleganteng nakabiting pangungusap na mayaman sa kasaysayan at pilosopiya. Sa Rhetoric ni Aristotle (384–322 B.C.) sinuri niyang mabuti ang sining ng panghihikayat (Art of Persuasion), binigyan ng parehas na empasis ang katangian ng nagsasalita, ang lohika ng kanyang kaisipan, at ang kakayahang pumukaw ng damdamin ng mga nakikinig. Inihiwalay niya ang retorika sa pormal na lohika at ang mga kasangkapang panretorika sa siyentipikong pamamaraan ng pagbibigay katuturan dito ayon sa maaring maganap kaysa sa tiyak na magaganap. Nilikha niya ang ideya ng probabilidad o malamang na mangyari o maganap sa pamamagitan ng mga panumbas na retorikal sa lohikang kaisipan: ang enthymeme kung saan ang pansamantalang kongklusyon ay kinuha sa pansamantalang batayan, sa halip na silohismo na mula sa katotohanang unibersal; at ang halimbawa o analogy para sa pangangatwirang induktibo.
Si Cicero (106–43 B.C.) ang batikang orador ng Roma, katulad din ni Aristotle, ay hayagan ding nagtagubilin sa kasangkupan ng prinsipyo ng mananalumpati. Nasabi niyang ang pagtatalakay sa anumang adhikain ay batay sa mabuting panlasa at pagpasiya ng orador kaya’t sa isyu ng moralidad ipinahayag niyang nararapat na maging mabuting tao ka muna upang maging mabuting mananalumpati. Sagana ang prosa ni Cicero sa mga hugnayang nakabiting pangungusap. Ipinamana ni Aristotle sa larangan ng oratoryo ang forensic na nagging batayan sa ngayon ng mga abogado para sa kanilang legal na salaysay. Nakatuon ang forensic sa nakaraan. Sa kaibuturan ng mga pangyayari, iniwan ni Aristotle ang oratoryong deliberative o pampolitika na nakatuon naman ang pansin sa hinaharap. Dito sinasabing nagsimula ang malayang pagkilos at talakayan o mga pagtatalong pampubliko (public debate). Si Aristotle din ang nagpasimula ng oratoryong panseseremonya o epideictic na kakikitaan ng mga mabubulaklak at madamdaming mga salita. Karaniwang binibigkas ito sa pagbibigay ng papuri. Ito ang tinatawag natin sa Ingles na declamation.
Layunin ng retorika, anuman ang disiplinang ating kinabibilangan, ang tayo ay makasulat nang mahusay. Kung kaya't nililinang ng retorika ang pagkakaroon ng mapanuring kaisipan sa pagbuo ng mga ideya, at makapamahala sa maangking kakayahan. Bagamat nabubuo lamang ng mga sulat, memo, ulat, abstrak, pagsusuri, pamanahong papel (term paper), mga panuto, at paghahanda sa mga proposal ng mga proyekto ang malaking bahagdan ng akademya, tiyak na kakailanganin pa rin ang kahusayan sa pagpapahayag, bagay na tumutuon sa dalawang pangunahing interbensiyon sa pag-aaral ng retorika: Kasanayan sa Pagsusulat at Pagsasalita.
Ang pag-aaral ng retorika ay nakatutulong sa isang indibidwal sa pamamagitan ng limang aspekto. Una, bilang pangunahing diskurso, ang retorika ay nagbibigay daan tungo sa komunikasyon. Sa ganitong punto, nagkakaroon ng oportunidad ang isang indibidwal upang maipahayag ang kanyang saloobin kaugnay sa iba't ibang bagay na mahihinuha nito sa kanyang kapaligiran na maaaaring maisagawa sa paraang pasulat man o pasalita. Ikalawa, ito rin ay isang salik upang magkaroon ng tinatawag na distraction effect sa isang tao na gumagamit nito. Ito ay bunsod ng gradwal na pagkabaling ng atensiyon ng isang indibidwal habang ito ay sumusulat, nagbabasa, o kaya ay nagpapahayag ng sentimiyento na hinulma mula sa isang partikular na materyal. Sa ganitong paraan, nadidistrak at nadadala sa ibang dimesyon ang sikolohikal na kamalayan ng tao kung saan bahagya nitong nakakaligtaan ang tunay na suliranin na dinarahop nito. Ang retorika rin ay mainam upang ma-ehersisyo ng isang tao ang kanyang kalayaan sa pagpapahayag (Freedom of Expression) na magsisilbing elemento upang mapalawak nito ang mga pananaw sa mundo. Nahuhubog ng retorika ang perspektibo ng isang indibidwal dahil ito ay sumasaklaw sa dalawang pangunahing akto ng komunikasyon, susi tungo sa pagpapaibayo ng karunungan. Ika-apat, sa pamamagitan rin ng retorika, nagagawa rin ng tao na bigyang-ngalan ang maraming bagay na nakikita sa paligid. Ito ay isang manipestasyon ng umuusbong na pag-iisip ng tao upang makalikha ng mas makabagong mga ideya na magagamit hindi lamang sa proseso ng komunikasyon kundi maging sa mga aspektong pangsosyopolitika. Halimbawa, ang kamera ay nagging Kodak, ang toothpaste ay nagiging colgate. At huli, ang retorika ay nagbibigay-pundasyon tungo sa makapangyarihang asimilasyon partikular sa larangan ng politika. Dahil sa retorika, napakaraming tao ang nagiging prominente at makapangyarihan. Isa sa mga mahuhusay na politiko at mananumpalati si Ninoy Aquino na isang mahusay na peryodista noong Ikalawang pandigmaang pandaigdig. Ang matatalinong ideya, malalalim na pananampalataya at ideyolohiya na naipahayag sa pamamagitan ng retorika ay pinagmulan din ng kapangyarihan at kalakasan.
Sa mga mag-aaral na kasalukuyang kumukuha ng kursong edukasyon, ekonomiks, inhinyera, malayang sining, batas, medisina, pangangalakal, kompyuter, at iba pa, hindi na natin matatakasan ang pagsusulat sa panahon ng pag-aaral at mananatiling isang esensiyal na kasanayan sa mga ganap nang propesyonal. Sa mga ganitong pagkakataon at kalagayan, kakailanganin ng isang mag-aaral ang mga teknik o sistema at ang mga simulain sa mahusay na pagsusulat.
Ang retorika ay isang uri ng sining na naisasagawa sa pamamagitan ng pasalita o pasulat na paraan. Saklaw ng dalawang elementong pang-komunikasyon, ito ay tunay na maituturing bilang isang haligi ng pakikipagdayalogo. Sa isang dayalogo, nangangailangan ng dalawa o higit pang indibidwal upang ito ay maisagawa. Sa tulong ng presensiya ng mga tagapag-dayalogo, nagkakaroon ng gradwal na asimilasyon na siyang nagsisilbing pamuhatan upang makapagpalitan ng samu't saring ideya, pakiramdam, argumento, o kaya ay mga manipestasyon na hinimok mula sa iba't ibang aspetong pangkapaligiran ang mga sangkot sa isang dayalogo. Ang retorikal na paggamit ng mga salita ay hindi lamang mailalapat sa interpersonal na uri ng komunikasyon; bagkus, ito rin ay maaaring magamit sa mas malaking kantidad ng tao. Kabilang sa mga terminolohiyang tinutukoy dito ay ang small-group communication, uri ng komunikasyon na nangangailangan ng tatlo o higit pang indibidwal upang makapagpalitan ng iba't ibang saloobin mula sa mga natatanging aspeto na nakatakda nitong pagtuunan ng pansin. Bukod sa nabanggit, kabilang rin dito ang mas nakatataas na antas ng pakikipagdayalogo gaya ng organisasyonal na komunikasyon (mula sa terminong ginamit na humuhulma sa katayuan ng isang organisasyon o kapisanan upang lumikha ng isang kumberseysyon) at komunikasyong pang-madla, kung saan ito ay tumutuon sa partisipasyon ng maraming tao, na maaaring nasasaklaw ng isang institusyon o anumang pangkat ng mga indibidwal na sinabayan ng presensiya ng mga sangay ng media para sa mas mabilis na pagpapakalap ng mensahe.
Mahalaga ang retorika sa pang araw-araw na buhay ng tao dahil ito ay nagbibigay daan sa mga aktibidades na ginagawa ng tao tulad ng pakikipag-usap, pakikipag-argumento at paghahanap ng impormasyon at kaalaman. Sa pakikipag-usap, mahalagang sangkap ang retorika upang maipahayag ng mabuti at komprehensibo ang mga damdamin ng nag-uusap. Mahalaga rin ito sa pakikipag-argumento dahil ito ay tanda ng pagbibigay diin sa mga puntong nais na ipahayag. Mahalaga rin ito upang magkaroon ng maayos na pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawang panig na hindi magkasundo sa iisang pamamaraan o paniniwala. Higit sa lahat, ang retorika ay mainam na instrumento sa pagkakalap ng impormasyon at pamamahagi nito. Sapagkat kinakailangan ng tao ang matuto at malinang ang pag-iisip.
This article uses material from the Wikipedia Tagalog article Sayusay, which is released under the Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 license ("CC BY-SA 3.0"); additional terms may apply (view authors). Maaaring gamitin ang nilalaman sa ilalim ng CC BY-SA 4.0 maliban kung nabanggit. Images, videos and audio are available under their respective licenses.
®Wikipedia is a registered trademark of the Wiki Foundation, Inc. Wiki Tagalog (DUHOCTRUNGQUOC.VN) is an independent company and has no affiliation with Wiki Foundation.