Pagpapakamatay (Latin suicidium, mula sa sui caedere, patayin ang sarili) ay pagkilos ng sinasadyang pagsasagawa ng sariling ikamamatay.
Ang pagpapakamatay ay madalas na ginagawa dahil sa kawalan ng pag-asa, ang sanhi nito ay madalas na inuugnay sa sakit sa pag-iisip tulad ng depresyon, bipolar disorder, schizophrenia, pagkalulong sa alak, o pagkalulon sa droga. Ang mga salik ng stress na tulad ng problemang pinansiyal o mga problema sa mga interpersonal relationship o pakikipag-ugnayan sa kapwa ang madalas na inuugnay dito. Kasama sa mga pagsisikap para maiwasan ang pagpapakamatay ang paglilimita ng pagkakaroon ng baril, paggamot sa mga pangkaisipang karamdaman at pagkakalulong sa droga, at pagpapahusay ng pag-unlad ng ekonomiya.
Suicide | |
---|---|
The Suicide ni Édouard Manet 1877–1881 | |
Espesyalidad | Sikiyatriya, sikolohiya |
Ang pinaka-karaniwang pamamaraang ginagamit sa pagpapakamatay ay nag-iiba ayon sa bansa at bahagyang nauugnay sa pagkakaroon nito. Kasama sa mga karaniwang pamamaraan ang: pagbigti, pag-inom ng pestisidiyo, at mga baril. Ang humigit-kumulang na 800,000 hanggang sa isang milyong tao ang namamatay sa pamamagitan ng pagpapakamatay taun-taon, na siyang dahilan kaya ito ang ika-10 sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa buong mundo. Ang mga bilang ay mas mataas sa mga lalake kaysa sa mga babae, kung saan ang mga lalake ay tatlo hanggang apat na beses na mas malamang na magpakamatay kaysa sa mga babae. May mga tinatantiyang 10 hanggang 20 milyong mga hindi nakakamatay na pagsubok ng pagpapakamatay taun-taon. Ang mga pagsubok na pagpapakamatay ay mas karaniwan sa mga kabataan at mga babae.
Ang mga pananaw sa pagpapakamatay ay naiimpluwensiyahan ng malawak na mga kasalukuyang paksa tulad ng relihiyon, dangal, at ang kahulugan ng buhay. Ang mga relihiyong nag-uugat kay Abraham ang nagtuturing sa pagpapakamatay ayon sa tradisyon na isang kasalanan sa Diyos dahil sa paniniwala sa kabanalan ng buhay. Noong panahon ng samurai sa Hapon, ang seppuku ay iginagalang noon bilang alay ng para sa kabiguan o bilang isang anyo ng protesta. Ang Sati, na isa na ngayong ipinagbabawal ng batas na kaugalian ng Hindu sa paglilibing, ang nag-uutos sa biyuda na pagkitil sa sarili bilang alay ng kanyang sarili sa funeral pyre o pagsunog ng bangkay ng kanyang asawa bilang paghatid sa huling hantungan, nang kusa o sa pagpuwersa ng pamilya o ng lipunan.
Ang pagpapakamatay o pagsubok ng pagpapakamatay, na dating krimeng pinaparusahan, ay hindi na sa karamihan ng mga bansa sa Kanluran. Ito ay nananatiling isang kasalanang kriminal sa karamihan ng mga bansang Islam. Sa ika-20 at ika-21 siglo, ang pagpapakamatay sa isang anyo ng pagkitil sa sarili bilang alay ay ginagawa bilang isang pamamaraan ng pagprotesta, at ang kamikaze at mga suicide bombing o pagpapakamatay sa pagpapasabog ay isinasagawa bilang isang militar o teroristang taktika.
Ang pagpapakamatay, na kilala rin bilang isang matagumpay na pagkitil sa sarili, ay "hakbang na pagkitil ng sariling buhay". Ang pagsubok o hindi nakakamatay na pagpapakamatay ay pananakit ng sarili na may pagnanais na wakasan ang buhay nguni’t hindi nagbubunga ng kamatayan. Ang Assisted suicide o tinulungang pagpapakamatay ay kapag tinulungan ng isang indibiduwal ang isang tao para hindi direktang kitilin ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo o sa pamamagitan ng pagbigay ng paraan para ito’y maisakatuparan. Ito ay salungat sa euthanasia kung saan ang ibang tao ang aktibong kumikilos para sa pagsasakatuparan ng kamatayan ng isang tao. Ang suicidal ideation o pagbuo ng imahinasyon ng pagpapakamatay ay ang pag-iisip ng pagkitil sa sariling buhay.
Kasama sa mga bagay na nakakaapekto sa panganib ng pagpapakamatay ang karamdaman sa kaisipan, pagkalulong sa droga, kalagayang sikolohikal, kultura, mga sitwasyon sa pamilya at lipunan, at mga genetic. Ang mga karamdamang pangkaisipan at maling paggamit ng substansiya (droga o alak) ay kadalasang magkasabay na nagaganap. Kasama sa mga ibang salik na nagdudulot ng panganib ang pagkakaroon ng dating pagsubok na magpakamatay, ang pagkakaroon ng mga paraan para maisakatuparan ang pagkilos, kasaysayan ng pagpapakamatay sa pamilya, o ang pagkakaroon ng traumatikong pinsala sa utak. Halimbawa, ang bilang ng mga pagpapakamatay ay napag-alamang mas mataas sa mga sambahayan na may mga baril kaysa sa mga wala nito. Ang mga panlipunan at pangkabuhayan na mga salik tulad ng kawalan ng trabaho, kahirapan, kawalan ng tirahan, at diskriminasyon ay maaaring makapagsimula ng pag-iisip ng pagpapakamatay. Humigit-kumulang 15–40% ng mga tao ay nag-iiwan ng suicide note o sulat ng pagpapakamatay. Ang mga genetic ay lumilitaw na siyang bumubuo sa pagitan ng 38% hanggang 55% ng mga pagpapakamatay. Ang mga beterano sa digmaan ay may mas mataas na panganib na magpakamatay dahil sa bahaging mas mataas ang bilang ng mga karamdamang pangkaisipan at problema sa pisikal na kalusugan na may kaugnayan sa digmaan.
Kadalasan, may mga karamdamang pangkaisipan sa panahon ng pagpapakamatay na tinatantiyang nasa hanay na mula 27% hanggang sa mahigit sa 90%. Sa mga nananatili sa psychiatric unit, ang panganib ng kanilang pagsasakatuparan ng pagpapakamatay sa buong buhay nila ay humigit-kumulang 8.6%. Ang kalahati ng lahat ng taong namamatay sa pagpapakamatay ay may major depressive disorder o masyadong malubhang karamdamang depresyon; ang pagkakaroon nito o ng isa sa ibang mga mood disorder tulad ng bipolar disorder ang nagpapataas ng panganib ng pagpapakamatay ng 20 beses. Kasama sa ibang mga kondisyong nauugnay ang schizophrenia (14%), mga karamdaman sa pagkatao (14%), bipolar disorder, at posttraumatic stress disorder. Ang humigit-kumulang 5% ng taong may schizophrenia ang namamatay sa pagpapakamatay. Ang mga karamdamang may kaugnayan sa pagkain o eating disorder ay ibang kondisyong may mataas na panganib.
Ang kasaysayan ng nakalipas na pagsubok na magpakamatay ang pinakamalaking palatandaan ng malamang na pagsasakatuparan ng pagpapakamatay. Ang humigit-kumulang na 20% ng mga pagpapakamatay ay nagkaroon na ng mga dating pagsubok at sa mga sumubok na magpakamatay, 1% ang nagtagumpay sa pagpapakamatay sa loob ng isang taon at mahigit sa 5% ang sumubok na magpakamatay makalipas ang 10 taon. Habang ang mga pagsasagawa ng pananakit sa sarili ay itinuturing na hindi pagsubok na magpakamatay, ang pagkakaroon ng ugali ng pananakit sa sarili ay nauugnay sa tumaas na panganib ng pagpapakamatay.
Sa humigit-kumulang na 80% ng matagumpay na pagpapakamatay, ang indibidwal ay nagpatingin sa isang doktor sa taon bago ang kanilang pagkamatay, kasama na ang 45% sa loob ng naunang buwan. Ang humigit-kumulang na 25–40% ng mga matagumpay na nagpakamatay ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga serbisyo para sa kalusugan ng isipan sa naunang taon.
Ang pag-abuso sa droga o alak ang ikalawang pinaka-karaniwang salik ng panganib para sa pagpapakamatay pagkatapos ng malubhang depresyon at bipolar disorder. Ang kapwa pabalik-balik na pag-abuso ng alak o droga pati na rin ang malubhang paglalasing ay nauugnay. Kapag naisabay sa personal na pagdadalamhati, tulad ng pagluluksa, ang panganib ay mas lalo pang tumataas. At saka dagdag pa rito, ang maling paggamit ng substansiya (droga o alak) ay nai-uugnay sa mga pangkaisipang karamdaman.
Karamihan sa mga tao ay nasa impluwensiya ng mga pampakalmang gamot na may pampatulog (tulad ng alak o mga benzodiazepines) noong sila ay nagpakamatay na mayroong pagkalulong sa alak sa pagitan ng 15% hanggang 61% ng mga kaso. Ang mga bansang may mataas na bilang ng umiinom ng alak at may mas maraming bilang ng mga bar ay karaniwang may mas mataas na bilang ng pagpapakamatay at ang pagkakaugnay na ito ay ang pangunahing nai-uugnay sa pag-inom ng distilled spirit kaysa sa talagang pag-inom ng alak. Ang humigit-kumulang na 2.2–3.4% ng mga ginamot sa pagkakalulong sa alak sa ilang punto ng kanilang buhay ay namatay sa pagpapakamatay. Ang mga lasenggo na sumubok na magpakamatay ay karaniwang lalake, mas matanda, at sumubok nang magpakamatay noon. Ang 3 hanggang 35% ng mga namatay na kabilang sa mga gumagamit ng heroin ay sanhi ng pagpapakamatay (humigit-kumulang na 14 na beses na mas mataas kaysa sa hindi gumagamit).
Ang pagkalulong sa cocaine at mga methamphetamine ay may mataas na kaugnayan sa pagpapakamatay. Sa mga gumagamit ng cocaine, pinakamalaki ang panganib sa withdrawal phase. Ang mga gumamit ng sinisinghot ay nasa malaking panganib rin na may humigit-kumulang na 20% na sumubok na magpakamatay sa ilang punto at ang mahigit sa 65% ang nag-iisip nito. Ang Paninigarilyo ay nai-ugnay sa panganib ng pagpapakamatay. May maliit na katibayan kung bakit nagkaroon ng ganitong pag-uugnay; gayunpaman, teorya na ang mga paghilig sa paninigarilyo ay may kalamangan sa pagpapakamatay, na ang paninigarilyo ay nagiging sanhi ng mga problema sa kalusugan na sa dakong huli ay nagdudulot sa mga tao ng pagnanais na wakasan ang kanilang buhay, at na ang paninigarilyo ay nakakaapekto sa chemistry ng utak na nagdudulot ng kalamangan para magpakamatay. Gayunpaman ang Cannabis ay hindi lumilitaw na tanging pinapataas nito ang panganib.
Ang problema sa pagsugal ay nauugnay sa pinatinding imahinasyon ng pagpapakamatay at mga pagsubok nito kumpara sa pangkalahatang populasyon. Sa pagitan ng 12 hanggang 24% ng mga sugarol ang sumubok na magpakamatay. Ang bilang ng pagpapakamatay sa kanilang mga asawang babae ay tatlong beses na mas mataas kaysa sa pangkalahatang populasyon. Kabilang sa mga ibang salik na nagpapataas ng panganib sa mga problemang sugarol ang pangkaisipang karamdaman, pagkalulong sa alak at droga.
May kaugnayan sa pagitan ng posibilidad na magpakamatay at mga problema sa pisikal na kalusugan kasama ang:hindi gumagaling na pananakit, pinsala sa utak sanhi ng bagay na tumama sa ulo (traumatic brain injury), kanser, mga sumasailalim sa hemodialysis, HIV, systemic lupus erythematosus, ang ilan lamang dito. Ang pagkakatukoy sa kanser ay halos dinodoble ang mga naunang panganib ng pagpapakamatay. Ang pangingibabaw ng mas malaking posibilidad ng pagpapakamatay ang nanatili pagkatapos ng pagbabago sa karamdamang nagdudulot ng depresyon at pagkakalulong sa alak. Sa mga taong may mahigit sa isang medikal na kondisyon, ang panganib ay partikular na mataas. Sa Hapon, ang mga problema sa kalusugan ay nakalista bilang pangunahing dahilan sa pagpapakamatay.
Ang mga sagabal sa pagtulog tulad ng insomnia at sleep apnea ay mga salik na nagdudulot ng depresyon at pagpapakamatay. Sa ilang mga sitwasyon, ang mga sagabal sa pagtulog ay maaaring salik na makapagdudulot ng panganib na hindi kasama ang depresyon. Ang ilang bilang ng ibang mga medikal na kondisyon ay maaaring magdulot ng mga sintomas na tulad ng mood disorder kabilang ang: hypothyroidism, Alzheimer's, tumor sa utak, systemic lupus erythematosus, at mga hindi kanais-nais na epekto ng gamot (tulad ng mgabeta blocker at mga steroid).
Ang ilang pangkaisipan at ukol sa pakikisalamuha na mga kondisyon ang nagpapalaki ng panganib ng pagpapakamatay kabilang ang: kawalan ng pag-asa, kawalan ng ligaya sa buhay, depresyon at pagkabagabag. Ang kakulangan ng kakayahan para lutasin ang mga problema, kawalan ng kakayahan na dating mayroon ang isang tao, at kakulangan ng kakayahan para kontrolin ang bugso ay mayroon ring papel. Sa mga mas nakakatanda, ang pag-iisip na pagiging pasanin sa iba ay mahalaga.
Ang mga kamakailan na mga stress sa buhay tulad ng pagkawala ng isang kapamilya o kaibigan, kawalan ng trabaho, o pag-iisa (tulad ng pamumuhay nang mag-isa) ay dinadagdagan ang panganib. Ang mga kailanman ay hindi nag-asawa ay nasa mas mataas na panganib rin. Ang pagiging relihiyoso ay maaaring makabawas sa panganib ng pagpapakamatay ng isang tao. Ito ay iniuugnay sa negatibong pananaw ng maraming relihiyon laban sa pagpapakamatay at sa mas maraming ugnayan na idinudulot ng relihiyon. Ang mgaMuslim, sa mga relihiyosong tao, ang lumilitaw na may mas mababang bilang.
Ang mga ilan ay maaaring magpakamatay para takasan ang pang-aapi o bullying o wala sa katwirang panghuhusga. Ang kasaysayan ng sekswal na pang-aabuso sa pagkabata at ang panahong inilagi sa foster care ay mga salik rin ng panganib. Ang sekswal na pang-aabuso ay pinapaniwalaang nakakadagdag sa humigit-kumulang na 20% ng pangkalahatang panganib.
Ang isang unting-unting nababago na paliwanag sa pagpapakamatay ay na maaari nitong mapabuti ang inclusive fitness (pagiging akma para mag-anak). Ito ay maaaring maganap kung ang isang taong magpapakamatay ay hindi na magkakaanak pa at kinukuha nito ang mga ikakabuhay ng mga kamag-anak para mabuhay. Ang isang pagsalungat ay na ang mga kamatayan ng mga malulusog na kabataan ay malamang na hindi dumadagdag sa inclusive fitness (pagiging akma para mag-anak). Ang pag-akma o adaptation sa isang labis na naiibang kapaligiran ng pinagmulang lahi ay maaaring hindi nababagay sa kasalukuyan.
Ang kahirapan ay nauugnay sa panganib ng pagpapakamatay. Ang pagtindi ng kahirapan ng kamag-anak kumpara sa mga nakapaligid sa tao ay nagpapataas ng panganib ng pagpapakamatay. Mahigit sa 200,000 mga magsasaka sa India ang nagsagawa ng nagpakamatay mula noong 1997 na bahagyang dahil sa mga problema ng pagkakautang. Sa China, ang pagpapakamatay ay tatlong beses na mas malamang na mangyari sa mga rehiyong probinsiya kaysa sa mga lungsod na bahagyang pinaniniwalaan na dahil sa mga problemang pinansiyal sa bahaging ito ng bansa.
Ang media, kasama na ang internet, ay may mahalagang papel. Ang paglalarawan nito ng pagpapakamatay ay maaaring may negatibong epekto na may maraming bilang, lantad at paulit-ulit na pag-uulat na pumupuri o dumadakila sa pagpapakamatay bilang ang siyang may pinakamalaking epekto. Kapag ang detalyadong paglalarawan kung paano magpakamatay sa pamamagitan ng isang partikular na pamamaraan ay isinasadula o isinasalarawan, ang pamamaraan ng pagpapakamatay na ito ay maaaring dumami sa buong populasyon.
Ang pagsisimulang ito ng pagkalat ng pagpapakamatay o panggagayang pagpapakamatay o copycat suicide ay kilala bilang Werther na epekto, na ipinangalan ayon sa kalaban na nasa The Sorrows of Young Werther ni Goethe na nagpakamatay. Ang panganib ay mas mataas sa mga kabataan na dumadakila sa kamatayan. Lumilitaw na habang ang media ng balita ay may malaking epekto, ang sa media ng aliwan naman ay kaduda-duda. Ang kabaliktaran ng Werther na epekto ay ang iminumungkahing Papageno na epekto kung saan ang saklaw ng mabisang mga mekanismo sa pagharap sa hinihingi ng sitwasyon, ay maaaring magkaroon ng pamprotektang epekto. Ang termino ay ibinatay sa katauhan sa opera ni Mozart na The Magic Flute na sa takot na mawala ng isang minamahal ay magpapakamatay sana nguni’t tinulungan siya ng mga kaibigan. Kapag sinunod ng media ang mga naaangkop na alituntunin sa pag-uulat, ang panganib ng pagpapakamatay ay bababa. Ang pagkuha ng suporta mula sa industriya gayunpaman, ay maaaring maging mahirap lalung-lalo na sa pangmatagalan.
Ang makatwiran na pagpapakamatay ay ang makatwirang pagkitil sa sariling buhay, kahit na naniniwala ang iba na ang pagpapakamatay ay hinding-hindi makatwiran. Ang pagkitil ng sariling buhay para sa kapakanan ng iba ay kilala bilang pagpapakamatay para sa kapakanan ng iba o altruistic suicide. Ang halimbawa nito ay ang pagkitil ng isang nakakatanda sa kanyang buhay para makapag-iwan ng mas maraming pagkain para sa mga mas batang tao sa komunidad. Sa ilang kultura ng Eskimo, ito ay itinuturing na isang kilos ng paggalang, lakas ng loob, o karunungan.
Ang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pag-atake o suicide attack ay isang pampolitikang pagkilos kung saan isasakatuparan ng isang umaatake ang isang karahasan laban sa iba na alam nilang magdudulot ito ng kanilang sariling kamatayan. Ang ilan sa mga nagpapakamatay na mga nambobomba ay bilang pagsusumikap na makamtan ang pagiging martir. Ang mga misyong kamikaze ay isinasagawa bilang isang katungkulan para sa isang mas mataas na ipinaglalabang layunin o moral na obligasyon. Ang pagpatay na pagpapakamatay ay isang pagkilos na homicide o pagpatay sa kapwa kasunod ng pagpapakamatay ng taong gumawa nito sa loob ng isang linggo. Ang mga pagpapakamatay ng grupo ng tao nang sabay-sabay o mass suicide ay madalas na isinasagawa dahil sa pamimilit ng lipunan kung saan isinusuko ng mga miyembro ang kalayaan nang buo sa isang pinuno. Ang mga pagpapakamatay ng grupo ng tao nang sabay-sabay o mass suicide ay maaaring isagawa ng kasing kaunti ng dalawang tao, na madalas na tinutukoy bilang kasunduang magpakamatay o suicide pact.
Sa mga hindi masyadong malalang sitwasyon kung saan ang pagpapatuloy na mabuhay ay di kayang matiis, ginagamit ng ilang mga tao ang pagpapakamatay bilang paraan ng pagtakas. Ang ilan sa mga nakakulong sa Nazi na mga concentration camp ay kilala bilang kinitil ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng sadyang paghawak sa mga de-kuryenteng bakod.
Ang pangunahing pamamaraan ng pagpapakamatay ay nag-iiba sa mga bansa. Kasama sa mga nangungunang pamamaraan sa mga iba’t-ibang rehiyon ang pagbibigti, pag-inom ng pestisidiyo, at mga baril. Ang mga kaibhang ito ay pinaniniwalaan na medyo dahil sa pagkakaroon ng mga iba’t-ibang pamamaraan. Sa isang pag-aaral sa 56 na bansa, napag-alaman na ang pagbibigti ang pinaka-karaniwang paraan sa karamihan ng mga bansa, na bumubuo sa 53% ng mga lalaking nagpapakamatay at 39% ng mga babaeng nagpapakamatay.
Ang 30% ng mga nagpapakamatay sa buong mundo ay dahil sa pestisidiyo. Gayunpaman, ang. paggamit ng pamamaraan na ito ay nag-iiba nang malaki mula 4% sa Europa hanggang sa mahigit sa 50% sa rehiyong Pasipiko. Karaniwan rin ito sa Latin America dahil madaling makuha ito sa populasyon ng mga magsasaka. Sa maraming bansa, ang mga pag-overdose ng gamot ay binubuo ng 60% ng mga nagpapakamatay sa mga babae at 30% sa mga lalake. Karamihan ay hindi naplano at nagaganap sa loob ng panahon ng isang talamak na panahon ng kawalang-katiyakan ng damdamin. Ang bilang ng namamatay ay nag-iiba ayon sa pamamaraan: mga baril 80-90%, pagkakalunod 65-80%, pagbibigti 60-85%, exhaust ng sasakyan 40-60%, pagtalon 35-60%, pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagsusunog ng uling 40-50%, pestisidiyo 6-75%, pag-overdose ng gamot 1.5-4%. Ang mga pinaka-karaniwang pamamaraan ng pagsubok ng pagpapakamatay ay naiiba mula sa pinaka-karaniwang matagumpay na pamamaraan na may hanggang 85% ng pagsubok sa pamamagitan ng pag-overdose ng gamot sa maunlad na bansa.
Sa Estados Unidos, ang 57% ng mga pagpapakamatay ay kinasasangkutan ng paggamit ng baril kung saan ang pamamaraang ito ay medyo mas karaniwan sa mga lalake kaysa sa mga babae. Ang susunod na pinaka-karaniwang sanhi ay ang pagbibigti sa mga lalake at pag-inom ng lason sa mga babae. Kung pagsasamahin ang mga pamamaraang ito, bubuo ang mga ito ng humigit-kumulang sa 40% ng mga pagpapakamatay sa Estados Unidos. Sa Switzerland, kung saan halos ang bawa’t isa ay may nagmamay-ari ng baril, ang pinakamataas na bilang ng mga pagpapakamatay ay sa pamamagitan ng pagbibigti. Ang pagtalon para mamatay ay kapwa karaniwan sa Hong Kong at Singapore sa 50% at 80% ayon sa pagkasunud-sunod nito. Sa China, ang pag-inom ng pestisidiyo ang pinaka-karaniwang pamamaraan. Sa Hapon, ang pagsaksak ng sariling tiyan na kilala rin bilang seppuku o hara-kiri ay nagaganap pa rin, gayunpaman, ang pagbibigti ang pinaka-karaniwan.
Walang alam na iisang batayan ayon sa pathophysiology o ukol sa mga pagbabago sa paggana para sa alinman sa pagpapakamatay o depresyon. Nguni’t ito ay pinaniniwalaan na bunga ng interaksiyon ng ugali, mga panlipunan at kapaligiran, at pangkaisipiang salik.
Ang mga mabababang antas ng brain-derived neurotrophic factor (BDNF) ay parehong direktang inuugnay sa pagpapakamatay at di direktang inuugnay sa papel nito sa malubhang depresyon, posttraumatic stress disorder, schizophrenia at obsessive–compulsive disorder. Natuklasan ng mga pag-aaral ng post-mortem o pagsisiyasat ng namatay ang bumabang antas ng BDNF sa hippocampus at prefrontal cortex, sa mga mayroon at walang kondisyong pangkaisipan. Ang serotonin, isang neurotransmitter ng utak, ay pinaniniwalaang mababa sa mga nagpapakamatay. Ito ay bahagyang ibinatay sa katibayan ng tumaas na antas ng mga 5-HT2A receptor na nakita pagkatapos mamatay. Ang iba pang katibayan ay kinabibilangan ng bumabang antas ng produkto ng pagkakahiwalay o breakdown ng serotonin, 5-Hydroxyindoleacetic acid, sa cerebral spinal fluid. Gayunpaman, ang direktang katibayan ay mahirap makalap. Ang epigenetics, ang pag-aaral ng mga pagbabago sa genetic expression bilang pagtugon sa mga salik na may kaugnayan sa kapaligiran na hindi binabago ang nasa ilalim na DNA, ay pinaniniwalaan ding may papel sa patukoy ng panganib na pagpapakamatay.
Ang pag-iwas ng pagpapakamatay ay terminong ginagamit para sa magkakasamang pagsisikap para mabawasan ang insidente ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng mga hakbang na pang-iwas. Ang pagbawas sa pagkakaroon ng daan para sa ilang mga pamamaraan tulad ng mga baril o lason ay binabawasan ang panganib. Kabilang sa ibang mga hakbang ang pagbawas sa daan para sa uling at mga harang sa mga tulay at mga platform sa subway. Ang paggamot sa pagkalulong sa droga at alak, depresyon, at ang mga sumubok na magpakamatay noon ay maaari ring maging epektibo. Iminungkahi ng ilan na bawasan ang daan para sa alak bilang isang estratehiyang pang-iwas (tulad ng pagbawas ng bilang ng mga bar). Kahit na karaniwan ang mga hotline para sa krisis, may kaunting katibayan para suportahan o kontrahin ang pagiging epektibo nito . Sa mga nakakabatang nasa hustong gulang na nag-isip na magpakamatay, lumilitaw na ang paggamot sa mga negatibong saloobin o iniisip (cognitive behavioral therapy) ay pinabubuti ang mga kinalabasan. Ang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng kakayahan nitong bawasan ang kahirapan ay maaaring makapagbawas ng bilang ng pagpapakamatay. Ang mga pagsisikap para mapalakas ang pakikipag-ugnayan ng mga tao lalung-lalo na sa mga matatandang lalake ay maaaring maging epektibo.
May kaunting data tungkol sa mga epekto ng pagsusuri sa pangkalahatang populasyon sa tunay na bilang ng pagpapakamatay. Dahil sa may mataas na bilang ng tao na positibo sa pagsusuri sa pamamagitan ng mga kagamitan na ito na hindi nanganganib na magpakamatay, may mga alalahanin na ang pagsusuri (screening) ay maaaring magpataas ng paggamit ng magagamit para sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan. Gayunpaman, inirerekomenda ang pagtatasa sa mga taong mataas ang panganib. Ang pagtatanong tungkol sa kakayahan ng isang taong magpakamatay ay hindi lumilitaw na nagpapataas ng panganib.
Sa mga taong may mga problema sa kalusugang pangkaisipan, ang ilang bilang ng mga paggamot ang maaaring magpababa ng panganib ng pagpapakamatay. Ang mga taong aktibong malamang na magpakamatay ay maaaring ipasok sa pangkaisipang pangangalaga (psychiatric care) , ito man ay boluntaryo o hindi. Ang mga pagmamay-ari na maaaring magamit para saktan ang kanilang sarili ay karaniwang inaalis. Ang ilang mga manggagamot ay pinapapirma ang mga pasyente ng mga kasunduan para sa pag-iwas sa pagpapakamatay kung saan kanilang sinasang-ayunan na hindi nila sasaktan ang kanilang mga sarili kung palalayain. Gayunpaman, ang katibayan ay hindi sumusuporta sa malaking epekto mula sa hakbang na ito. Kung mababa ang panganib ng isang tao, maaaring isaayos ang out-patient na paggamot ng kalusugang pangkaisipan. Ang maikling panahon ng pagkakaospital ay hindi pa napag-alamang mas epektibo kaysa sa pangangalaga ng komunidad para sa pagpapabuti na kalalabasan sa mga taong may borderline personality disorder na pabalik-balik ang pagpapakamatay.
May hindi pa tiyak na katibayan na ang psychotherapy, partikular ang dialectical behaviour therapy, ang nagpapababa ng pagpapakamatay sa mga kabataan pati na rin ang mga nasa borderline personality disorder. Nguni’t ang katibayan ay hindi nagpakita ng pagbaba ng mga ganap na pagpapakamatay.
May kontrobersiya tungkol sa pakinabang laban sa pinsala ng mga kontra-depresyon (antidepressant). Sa mga nakakabatang tao mas bago ang mga kontra-depresyon (antidepressant) tulad ng SSRIs ay lumilitaw na nagpapataas ng panganib ng pagpapakamatay mula 25 sa bawa’t 1000 hanggang 40 sa bawa’t 1000. Nguni’t para mga mas nakakatanda, maaari nilang mapababa ang panganib. Ang Lithium ay lumilitaw na epektibo sa pagpapababa ng panganib sa mga may bipolar disorder at unipolar depression sa halos parehong antas ng pangkalahatang populasyon.
hindi alam <3 3–6 6–9 9–12 12–15 15–18 | 18–21 21–24 24–27 27–30 30–33 >33 |
Ang humigit-kumulang sa 0.5% hanggang 1.4% ng mga tao ang kumikitil ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapakamatay. Sa buong daigdig, hanggang noong 2008/2009, ang pagpapakamatay ang ikasampung pangunahing sanhi ng kamatayan na ang mga 800,000 hanggang sa isang milyong tao ang namamatay taun-taon, na nagdudulot ng bilang ng namamatay na 11.6 sa bawa’t 100,000 mga tao sa bawa’t taon. Ang mga bilang ng pagpapakamatay ay tumaas ng 60% mula 1960s hanggang 2012, ang mga pagtaas na ito ay pangunahing nakikita sa mahirap na bansa. Para sa bawa’t pagpapakamatay na magreresulta sa kamatayan, mayroong 10 hanggang 40 pagsubok ng pagpapakamatay.
Malaki ang iniba ng mga bilang ng pagpapakamatay sa mga bansa at sa paglipas ng panahon. Bilang porsiyento ng mga pagkamatay noong 2008 ito ay: sa Africa 0.5%, sa South-East Asia 1.9%, sa Amerika 1.2% at sa Europa 1.4%. Ang mga bilang sa bawa’t 100,000 kung saan sa: Australia 8.6, Canada 11.1, China 12.7, India 23.2, United Kingdom 7.6, Estados Unidos 11.4. Ito ay itinuring na ika-10 nangungunang sanhi ng kamatayan sa Estados Unidos noong 2009 sa humigit-kumulang na 36,000 mga kaso sa isang taon. At ang humigit-kumulang na 650,000 katao ang nakikita sa emergency department taun-taon dahil sa pagsubok na magpakamatay. Ang Lithuania, Hapon at Hungary ang may pinakamataas na bilang. Ang mga bansang lubos na may pinakamataas na bilang ng mga nagpapakamatay ay ang China at India na bumubuo sa halos lampas sa kalahati ng kabuuan. Sa China, ang pagpapakamatay ang ika-5 pangunahing sanhi ng pagkamatay.
Sa mga Kanluraning bansa, ang mga lalaki ay tatlo hanggang apat na beses na mas madalas namamatay ang mga lalaki sa pamamagitan ng pagpapakamatay kaysa sa mga babae, bagaman ang mga babae ay sinusubukang magpakamatay nang apat na beses na mas madalas. Ito ay iniugnay sa paggamit ng mas maraming nakakapatay na paraan ng mga lalake para kitlin ang kanilang mga buhay. Ang kaibhang ito ay mas kapansin-pansin sa mga mas mahigit sa edad na 65 na may sampung beses na mas marami ang lalaking nagpapakamatay kaysa sa mga babae. Ang China ang isa sa may pinakamataas na bilang ng mga babaeng nagpakamatay sa mundo at ito lamang ang bansa kung saan ito ay mas mataas kaysa sa mga lalake (proporsiyon ng 0.9). Sa Silangang Mediterranean, ang bilang ng nagpapakamatay ay halos magkatumbas sa mga lalake at mga babae. Para sa mga babae, ang pinakamataas na bilang ng pagpapakamatay ay makikita sa Timog Korea sa 22 sa bawat 100,000, na may pinakamataas na bilang sa Timog-Silangang Asya at sa Kanlurang Pasipiko sa pangkalahatan.
Sa maraming bansa, ang bilang ng nagpapakamatay ay pinakamataas sa kalagitnaang edad hanggang 60 o sa nakakatanda. Gayunpaman, ang absolute number o tiyak na bilang ng nagpapakamatay ay pinakamataas sa pagitan ng 15 hanggang 29 na taong gulang dahil sa bilang ng mga taong nasa grupo ng edad na ito. Sa Estados Unidos, ito ay pinakamataas sa amerikano na lalakeng mas matanda sa 80 taong gulang, kahit na ang mga kabataan ay mas madalas na sumubok na magpakamatay. Ito ang pangalawang pinaka-karaniwang sanhi ng pagkamatay sa mga kabataan o adolescents at sa mga batang lalake ay pangalawa lamang sa aksidente ang ikinamatay. Sa mga kabataang lalake sa mahirap na bansa, ito ang sanhi ng halos 30% ng mga pagkamatay. Sa mga mahirap na bansa, ang mga bilang ay magkapareho nguni’t ito ay bumubuo ng mas maliit na bahagi ng kabuuang pagkamatay dahil sa mas mataas na bilang ng mga namatay mula sa ibang mga uri ng trauma. Sa Timog-Silangang Asya, kung ihahambing sa ibang bahagi ng mundo, ang mga pagkamatay dahil sa pagpapakamatay ay nagaganap sa mas malaking bilang sa mga batang babae kaysa sa mga nakakatandang babae.
Sa sinaunang Athens, ang isang taong nagpakamatay nang walang pahintulot ng estado ay pinagkakaitan ng karangalan ng isang normal na paglibing. Ang tao ay ililibing nang mag-isa, sa malayong lugar ng lungsod, nang walang lapida o palatandaan. Sa Sinaunang Greece at Roma, ang pagpapakamatay ay itinuring na isang katanggap-tanggap na pamamaraan ng pagharap ng pagkatalo sa militar. Sa Sinaunang Roma, kahit na dati nang pinapahintulutan ang pagpapakamatay, sa kalaunan ito ay itinuring na isang krimen laban sa estado dahil sa mga pang-ekonomiyang gastos nito. Ang isang ordinansa para sa krimen na ginawa ni Louis XIV ng Pransiya noong 1670 ang mahigit sa mas grabe na parusa na ito: ang bangkay ng isang tao ay hinihila sa mga kalsada, nang nakadapa, at pagkatapos ay ibibigti o itatapon sa tambak ng basura. Dagdag pa rito, ang lahat ng ari-arian ng taong iyon ay kukumpiskahin. Ayon sa kasaysayan, ang mga tao sa simbahang Kristiyano na sumubok na magpakamatay ay pinaparusahan ng pagtiwalag sa relihiyon at ang mga namatay sa pamamagitan ng pagpapakamatay ay inililibing sa labas ng mga sagradong libingan. Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo ng Great Britain, ang pagtatangkang magpakamatay ay itinuring na katumbas ng pagtangkang pumatay at maaaring parusahan ng pagbitay. Sa ika-19 na siglo sa Europa, ang pagpapakamatay ay nag-iba ang pagturing mula sa sanhi ng kasalanan sa sanhi ng pagkabaliw.
Sa karamihan ng mga Kanluraning bansa, ang pagpapakamatay ay hindi na isang krimen, gayunpaman, ito ay krimen sa karamihan ng mga bansa sa karamihan sa Kanlurang bahagi ng Europa mula noong Middle Ages hanggang sa 1800s. Marami sa mga bansang Islam ang binabansagan ito na isang kriminal na kasalanan.
Sa Australya, ang pagpapakamatay ay hindi isang krimen. Gayunpaman, ito ay isang krimen para pagpayuhan, udyukan, o tulungan at hikayatin ang isa pa para subukang magpakamatay, at malinaw na pinapahintulutan ng batas ang sinumang tao na gamitin ang “naturang puwersa na tulad ng makatwirang kinakailangan” para maiwasan ang pagpapakamatay ng iba. Ang Hilagang Teritoryo ng Australya sa maikling panahon ay nagkaroon ng legal na tinulungan ng manggagamot na pagpapakamatay mula 1996 hanggang 1997.
Walang bansa sa Europa ang kasalukuyang itinuturing ang pagpapakamatay o pagsubok na magpakamatay na isang krimen. Inalis ng Inglatera at Wales ang kaparusahan sa pagpapakamatay sa pamamagitan ng Suicide Act 1961 0 Batas sa Pagpapakamatay ng 1961 at ang Republika ng Ireland noong 1993. Ang salitang "commit (o pagsasagawa)" ay ginamit bilang pagtukoy nito bilang labag sa batas gayunapaman, marami sa mga organisasyon ang pumigil dito dahil sa negatibong pakahulugan nito.
Sa India, ang pagpapakamatay ay labag sa batas at ang naiwanang pamilya ay maaaring maharap sa mga legal na problema. Sa Germany, ang aktibong euthanasia o pagpatay ng isang tao dahil sa awa ay labag sa batas at ang sinumang nandoon sa oras ng pagpapakamatay ay maaaring mahatulan para sa kabiguang magbigay ng tulong sa isang emerhensiya. Ang Switzerland ay kamakailang gumawa ng mga hakbang para gawing legal ang tinulungang pagpapakamatay o assisted suicide para sa may hindi gumagaling na pangkaisipang karamdaman. Ang mataas na hukuman sa Lausanne, sa pagbigay ng hatol ng hukom noong 2006, ay ipinagkaloob sa isang hindi pinangalanang tao na may matagal nang patuloy na problema sa isipan ang karapatan na kitlin ang kanyang sariling buhay.
Sa Estados Unidos, ang pagpapakamatay ay hindi labag sa batas nguni’t maaaring samahan ng mga kaparusahan para sa mga susubok nito. Legal ang pagpapakamatay na tinutulungan ng manggagamot sa estado ng Oregon at sa Washington.
Sa karamihan ng mga anyo ng Kristiyanismo, ang pagpapakamatay ay itinuturing na kasalanan, na pangunahing ibinabatay sa mga isinulat ng mga maimpluwensiyang tagapag-isip na Kristiyano ng Middle Ages, tulad nina St. Augustine at St. Thomas Aquinas; nguni’t ang pagpapakamatay ay hindi itinuring na kasalanan sa ilalim ng Byzantine ang alitintunin ng Justinian na Kristiyano, halimbawa. Sa doktrina ng simbahang Katolika, ang argumento ay ibinatay sa kautusan "Huwag kang pumatay" (na ginawang naaangkop sa ayon sa Bagong Tipan ni Hesus sa Mateo 19:18), pati na rin ang ideyang, ang buhay ay regalong kaloob ng Diyos na hindi dapat tanggihan nang may pagkamuhi, at na ang pagpapakamatay ay laban sa "likas na kaayusan" at kaya humahadlang sa kabuuang plano ng Diyos para sa mundo.
Gayunpaman, pinaniniwalaan na ang karamdamang pangkaisipan o labis na takot sa pagdurusa ang nagpapaliit sa pananagutan ng nagpapakamatay. Kabilang sa mga pangontra sa argumento ang sumusunod: na ang ikaanim na kautusan ay mas wastong naisalin bilang “huwag pumatay”, na hindi kinakailangang tumukoy sa sarili; na ang Diyos ay nagkaloob ng kalayaang magpasiya sa mga tao; na ang pagkitil sa sariling buhay ay hindi hihigit sa paglabag sa Batas ng Diyos kaysa sa paggamot ng sakit; at na ang ilang bilang ng mga pagpapakamatay ng mga sumasampalataya sa Diyos ay nakatala sa Bibliya nang wala kahit man lamang kaunting pag-uusig.
Nakatuon ang Judaism sa kahalagahan ng pagbibigay halaga sa buhay na ito, at kaya naman, ang pagpapakamatay ay katumbas ng pagtanggi sa kabutihan ng Diyos sa mundo. Sa kabila nito, sa ilalim ng malalang sitwasyon kung saan wala nang pagpipilian kundi ang mamatay o sapilitang pagtaksilan ang kanilang relihiyon, ang mga Hudyo ay indibiduwal na nagpakamatay o sabay-sabay na nagpakamatay (tingnan ang Masada, Ang Unang Pag-uusig ng Pranses sa mga Hudyo, at York Castle para sa mga halimbawa) at bilang kasuklam-suklam na paalaala, mayroon pang dasal sa liturya ng Hudyo para sa “kapag ang kutsilyo ay nasa lalamunan”, para sa mga namamatay "para gawing sagrado ang Pangalan ng Diyos" (tingnan ang Pagiging Martir). Ang mga kilos na ito ay nakatanggap ng mga magkakahalong pagtugon ng mga awtoridad ng Hudyo, itinuring ng ilan bilang mga halimbawa ng pagiging martir na nagpapakita ng kabayanihan, habang ang iba ay nagpahayag na mali para sa kanila na kitlin ang kanilang sariling buhay sa pag-asa ng pagiging martir.
Ang pagpapakamatay ay hindi pinahihintulutan sa Islam. Sa Hinduismo, ang pagpapakamatay ay hindi katanggap-tanggap sa pangkalahatan at itinuturing na katumbas ng pagiging makasalanan katulad ng pagpatay sa kapwa sa makabagong lipunan ng Hindu. Isinasaad sa Mga Banal na Kasulatan ng Hindu na ang isang taong nagpakamatay ay magiging bahagi ng espirituwal na mundo, na pagala-gala sa daigdig hanggang sa oras na siya’y nakatakdang mamatay kung hindi siya nagpakamatay. Gayunpaman, tinatanggap ng Hinduismo ang karapatan ng isang taong kitlin ang sariling buhay sa pamamagitan ng hindi marahas na kaugalian ng pag-aayuno hanggang kamatayan na tinatawag na Prayopavesa. Nguni’t ang Prayopavesa ay limitado lamang sa mga taong wala nang natitirang hinahangad o ambisyon, at wala nang tungkuling natitira sa buhay na ito. Ang Jainism ay may katulad na kaugalian na tinatawag na Santhara. Ang Sati, o ang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili ng mga biyuda ay naging talamak sa lipunan ng Hindu sa panahon ng Middle Ages.
Ilang mga katanungan ang itinatanong sa loob ng pilosopiya ng pagpapakamatay, kasama na kung ano ang bumubuo sa pagpapakamatay, makatwirang pagpili ba o hindi ang pagpapakamatay, at ang moral na pagpapahintulot sa pagpapakamatay. Ang pilosopikal na argumento ayon sa kung ang pagpapakamatay ay maaaring maging moral na katanggap-tanggap o hindi ay nahahanay mula sa malakas na pagtutol (pagturing sa pagpapakamatay bilang hindi etikal at imoral), hanggang sa mga pananaw sa pagpapakamatay bilang isang sacrosanct na karapatan para sa kahit na sino (maging siya man ay bata at malusog na tao) na naniniwala na makatwiran at matapat na pinagpasyahan nila na kitlin ang kanilang buhay.
Kasama sa mga tumututol sa pagpapakamatay ang mga Kristiyanong dalubhasa sa pilosopiya tulad nina Augustine ng Hippo at Thomas Aquinas, Immanuel Kant at, sa pangangatwiran laban dito, si John Stuart Mill – ang pagtuon ni Mill sa kahalagahan ng kalayaan at awtonomiya ay nangangahulugan na kanyang tinanggihan ang mga pagpipilian na pipigil sa isang taong gumawa ng mga nagsasariling desisyon. Itinuturing ng iba ang pagpapakamatay bilang isang lehitimong bagay ng personal na pagpili. Ang mga tagasuporta ng posisyong ito ay pinapanindigan na walang sinuman ang dapat na piliting magdusa nang labag sa kanilang kalooban, partikular na mula sa mga kondisyon na tulad ng mga hindi na magagamot na karamdaman, karamdamang pangkaisipan, at katandaan na wala nang pag-asang bumuti pa. Kanilang tinatanggihan ang paniniwala na ang pagpapakamatay ay palaging hindi makatwiran, ikinakatwirang ito ay maaaring wastong huling kalutasan para sa mga nagdudusa sa malalang pananakit o trauma. Ang mas malakas na paninindigan ay nangangatwiran na ang mga tao ay kailangang mapahintulutan na sariling piliin para mamatay maging sila man ay nagdudusa o hindi. Ang mga kilalang sumusuporta sa paniniwala na ito ay sina Scottish empiricist na si David Hume at ang Amerikanong bioethicist na si Jacob Appel.
Ang pagtatanggol ng pagpapakamatay ay naganap sa maraming kultura at pumapangalawang kultura. Ang Militar na Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hinikayat at dinakila ang kamikaze na pag-atake, na mga pagpapakamatay na pag-atake ng mga pilotong militar mula sa Imperyo ng Hapon laban sa mga sasakyang-pandagat ng Magkaalyadong hukbong-dagat sa mga panahon ng pagwawakas ng kampanya ng Pasipiko para sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang lipunan ng Hapon sa pangkalahatan ay inilarawan bilang "konsintidor" ng pagpapakamatay (tingnan ang Pagpapakamatay sa Hapon).
Ang Mga paghahanap sa internet ng impormasyon tungkol sa pagpapakamatay ay nagbibigay ng mga webpage na 10-30% ng panahon na hinihikayat o pinapadali ang mga pagsubok ng pagpapakamatay. May ilang mga alalahanin na ang mga naturang site ay maaaring udyukan ang mga posibleng magpakamatay. Ang ilang mga tao ay bumubuo ng mga suicide pact o kasunduan sa pagpapakamatay sa online, ito man ay sa mga dating kaibigan o sa mga taong nakilala lamang kamakailan sa mga chat room o mga message board. Gayunpaman, ang Internet ay maaari ring makatulong iwasan ang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbibigay ng grupong panlipunan para sa mga taong nag-iisa.
Ang ilang mga landmark ay naging kilala para sa mga mataas na bilang ng mga tangkang pagpapakamatay. Kasama na dito ang Tulay ng Golden Gate ng San Francisco, Kagubatang Aokigahara ng Hapon, Beachy Head ng Inglatera at Bloor Street Viaduct ng Toronto.
Hanggang noong 2010, ang Golden Gate Bridge ay nagkaroon ng mahigit sa 1,300 na pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagtalon simula nang ito ay naipatayo noong 1937. Ang maraming lugar kung saan karaniwang nangyayari ang pagpapakamtay ay gumawa ng mga harang para iwasan ito. Kasama dito ang Luminous Veil sa Toronto, at mga harang sa Eiffel Tower sa Paris at Empire State Building sa New York. Hanggang noong 2011, ang isang harang ay ginagawa para sa Golden Gate Bridge. Ang mga ito ay tila napakabisa sa pangkalahatan.
Dahil ang pagpapakamatay ay nangangailangan ng kusang pagsubok na mamatay, sa pakiwari ng iba hindi ito masasabing magaganap sa mga hindi tao. Ang mga pagkilos ng pagpapakamatay ay naobserbahan sa salmonella na naghahangad na malabanan ang kakumpetensiyang bakterya sa pamamagitan ng pagsisimula ng isang pagtugon sa immune system o sistema ng resistensiya laban sa mga ito. Ang mga pagpapakamatay bilang pangdepensa ng mga manggagawa ay nakita rin sa langgam sa Brazil na Forelius pusillus kung saan ang isang grupo ng mga langgam ay iniwan ang seguridad ng pugad pagkatapos tinakpan ang pasukan mula sa labas bawa’t gabi.
Ang mga Pea aphid, kapag nanganganib sa isang ladybug, ay maaaring pasabugin ang kanilang sarili, na naghihiwalay sa isa’t-isa at pinoprotekhan ang kanilang mga kauri at kung minsan pa ay pinapatay ang ladybug. Ang ilang uri ng mga anay ay may mga sundalo na sumasabog, na tumatakip sa kanilang mga kaaway ng malagkit na goo.
Nagkaroon ng mga ulat batay sa mga naobserbahan sa mga aso, kabayo at dolphin na nagpapakamatay, nguni’t may napakaliit na katibayan para maging batayan. Nagkaroon lamang ng napakaliit na siyentipikong pag-aaral hinggil sa pagpapakamatay ng hayop.
Ang isang halimbawa ng sabay-sabay na pagpapakamatay o mass suicide ay ang 1978 na "Jonestown" pagpapakamatay ng kulto, kung saan ang 918 miyembro ng Peoples Temple, isang Amerikanong kulto na pinamunuan ni Jim Jones, ang nagwakas ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng ubas na Flavor Aid na may halong cyanide. Ang mahigit sa 10,000 mga Hapong sibilyan ang nagpakamatay sa mga huling araw ng Digmaan ng Saipan noong 1944, ang ilan ay tumalon sa "Suicide Cliff" at "Banzai Cliff".
Ang 1981 protesta sa pamamagitan ng hindi pagkain, na pinamunuan ni Bobby Sands, ay nagbunga ng 10 namatay. Ang sanhi ng kamatayan ay naitala ng coroner bilang “gutom na kusang ginawa,” sa halip na pagpapakamatay; ito ay binago para lamang maging "gutom" sa mga katibayan ng pagkamatay pagkatapos ng protesta mula sa mga pamilya ng mga namatay na nagprotesta. Si Erwin Rommel sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay natuklasang may nalalaman sa simula pa lamang ng Hulyo 20 Plot sa buhay ni Hitler at pinagbantaan ng public trial o paghatol ng publiko, paghatol ng kamatayan at mga marahas na paghihiganti sa kanyang pamilya maliban na lamang kung kikitlin niya ang sarili niyang buhay.
Ang pagpapatiwakal o pagpapakamatay ay ang intensiyonal na pagkitil ng isang tao sa kanyang sariling buhay. Ang pagpapatiwakal ay maaaring dulot ng maraming bagay gaya ng depresyon, kahihiyan, pagdurusa, kahirapan sa buhay, o mga di kanais nais na sitwasyon sa buhay ng isang tao. Halos isang milyon kada taon ang namamatay sa pagpapatiwakal na isa sa pangunahing dahilan ng kamatayan ng tao sa buong mundo. Halos 10 hanggang 20 milyon naman ang nagtatangkang magpakamatay kada taon.
Talaan ng mga bansang may pinakamataas na insidente ng pagpapatiwakal:
Ranggo | Bansa | Lalake | Babae | Kabuuan | Taon |
---|---|---|---|---|---|
1 | Lithuania | 70.1 | 14.0 | 40.2 | 2004 |
2 | Belarus | 63.3 | 10.3 | 35.1 | 2003 |
3 | Russia | 61.6 | 10.7 | 34.3 | 2004 |
4 | Kazakhstan | 51.0 | 8.9 | 29.2 | 2003 |
5 | Hungary | 44.9 | 12.0 | 27.7 | 2003 |
6 | Guyana | 42.5 | 12.1 | 27.2 | 2003 |
7 | South Korea | N/A | N/A | 26.1 | 2005 |
8 | Slovenia | 37.9 | 13.9 | 25.6 | 2004 |
9 | Latvia | 42.9 | 8.5 | 24.3 | 2004 |
10 | Japan | 35.6 | 12.8 | 24.0 | 2004 |
Ang ilan sa mga dahilan ng pagpapatiwakal ng isang tao:
Ilan sa karaniwang paraan ng pagpapatiwakal ay:
Ang liham ng nagpatiwakal (suicide note) ay mensahe na iniwan ng isang nagpatiwakal upang ipaalam ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay o ang mga kahilingan sa mga mga naiwang kamag-anak o kakilala. Tinatayang may 12–20% o isa sa bawat anim ng mga pagpapatiwakal ay nag-iiwan ng liham..
May iba't ibang batas ang mga bansa tungkol sa pagpapatiwakal. Sa estado ng Victoria sa Australia, ang isang nakaligtas sa pagpapakamatay ay maaaring kasuhan ng kasong pagpatay (manslaughter). Bukod sa Victoria, ang mga bansang Netherlands at Russia ay may batas na maaaring magkaso ng manslaugther sa isang indibidwal na nagpayo, nagsulsol o nagdulot sa iba na magpatiwakal. Sa India at Singapore, ang pagtatangkang magpakamatay ay isang krimen. Ang mga bansa o estado kung saan legal ang euthanasia ay kinabibilangan ng Oregon, Washington at Switzerland.
Kabilang ang Hudaismo, Budhismo, Kristiyanismo, Islam sa mga relihiyon na tumuturing sa pagpapatiwakal bilang isang kasalanan.
Ayon sa doktrina ng Katolisismo, ang pagpapatiwakal ay isang matinding kasalanan, ngunit sa katekismo ng katoliko numero 2283 ang nakasaad ay: "Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa kaligtasan ng mga taong kumitil ng kanilang sariling buhay. Sa pamamagitan ng mga paraan na siya lang ang nakakaalam, ang Diyos ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa mga ito para sa pagsisisi. Ang simbahan ay nananalangin para sa mga taong kumitil ng kanilang sariling buhay." Ayon sa Obispong Katoliko ng Westminster sa Inglatera na si Bernard Longley: "Ang pagpapatiwakal ay matinding kasalanan ngunit ang isang indibidwal ay dapat mayroong malusog na pag-isip upang malaman na ang kanyang ginagawa ay kasalanan. Ang mga taong nagpapatiwakal ay karaniwang nababalutan ng kaguluhan sa pag-iisip at kawalang pag-asa na nawawalan ng kontrol sa kanilang pag-iisip. Ang Diyos ay hindi humahatol sa mga taong hindi alam ang kanilang ginagawa. Ang kanyang habag ay walang katapusan."
Ang Jainismo ay isang relihiyon na nagbibigay permisyon sa tao na magpakamatay ngunit may mga mahigpit na kondisyon. Ang mga Jain munis at nakakatanda ay kilala sa papapagutom sa kanilang sarili hanggang sa makamit ang kamatayan. Ang paraang ito ay tinatawag na Santhara. Ang ibang marahas na paraan ng pagpapatiwakal ay hindi pinapayagan. Ito ay marahil sa aral ng Jainismo ng "hindi paggamit ng karahasan".
Ang ilang mga relihiyong kulto ay hindi lamang pinahihintulutan ang pagpapakamatay ngunit kanilang aktibo pang hinihikayat ang kanilang mga miyembro na magpatiwakal dahil sa paniniwalang ang pagapapatiwakal ay paraan ng pagtakas ng kaluluwa sa isang mas mabuting mundo. Ang mga kilalang halimbawa ng pagpapatiwakal sa kulto ang Peoples Temple, Solar Temple at Heaven's Gate.
This article uses material from the Wikipedia Tagalog article Pagpapatiwakal, which is released under the Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 license ("CC BY-SA 3.0"); additional terms may apply (view authors). Maaaring gamitin ang nilalaman sa ilalim ng CC BY-SA 4.0 maliban kung nabanggit. Images, videos and audio are available under their respective licenses.
®Wikipedia is a registered trademark of the Wiki Foundation, Inc. Wiki Tagalog (DUHOCTRUNGQUOC.VN) is an independent company and has no affiliation with Wiki Foundation.