Ang sipilis (Ingles: syphilis) ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.
Isa itong masalimuot na karamdaman. Kumplikado ang sakit na ito dahil kinabibilangan ito ng tatlong yugto. Pagkaraan ng dalawang naunang mga yugto, nagkakaroon ng tinatawag na pamamahinga ng mga sintomas, bago sumapit ang ikatlong yugto ng sakit. May sari-sariling mga palantandaan o sintomas ang bawat yugto. Mayroon ding mga iba’t iba at kani-kaniyang kumplikasyon ang mga yugtong ito. Dinudulot ang sipilis ng bakteryang treponema paladyum (Ingles: treponema palladium).
Maaaring mabigyan ng lunas ang sakit na sipilis kapag naagapan sa tulong ng panggagamot.
Nalilipat ang sipilis sa ibang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa isang taong mayroon ng sakit na ito. Maaari ring makahawa ang taong may karamdaman dahil sa pagsasalin ng dugong kontaminado na ng bakterya, at maging sa paghihiraman lamang ng mga heringgilyang madudumi. Maaaring makuha ang sipilis mula sa ininumang lalagyan, tubo, tuwalya, at iba pa, na kagagamit pa lamang ng taong may sipilis.
Naisasalin ng ina sa sanggol ang sakit na sipilis habang nasa sinapupunan pa ang bata. Tinatawag itong konhenital na sipilis (Ingles: congenital syphilis), o "namanang sipilis."
Sa yugtong ito, lumilitaw ang mga palatandaan mga tatlo magpahanggang anim na linggo makaraang mahawa. Tumutubo ang mga kanker (Ingles: chancre) o malalaking uri ng makati at walang hapding mga singaw sa mga bahagi ng bibig, titi, at puki. Nawawala nang kusa ang mga singaw na ito subalit nagpapatuloy pa rin ang bakterya sa pagkalat papunta sa kasunod na yugto. Tumatagal ang unang yugto ng may isang buwan. Nananatiling nakakahawa ang sakit kahit na walang makitang mga palatandaan.
Pagkaraan ng naunang yugto, nagkakaroon ang taong may sakit ng mga pamamantal sa katawan na maihahambing sa "tigdas na matigas". Umaabot ang mga pantal hanggang sa mga palad at talampakan. Lumalabas din ang mga sugat sa bibig. Nakakaramdam ang may sakit na tao ng "pamamaga ng lalamunan, sakit sa ulo, pamamaga ng mga kulani, panghihina, lagnat, pananakit ng mga kalamnan, at patsi-patseng pagkakalbo."
Dumarating ang mahabang panahon ng pagkawala ng mga sintomas – ito ang tinatawag na pamamahinga ng mga palatandaan (Ingles: latency period) - ngunit nagpapatuloy pa rin ang bakterya sa pagdami at pagkalat patungo sa pangatlo at huling yugto ng sakit. Sa panahong ito malakas na makahawa ang sakit na sipilis.
Sa ikatlong yugto ng sakit na sipilis, may pagkakataong lumitaw ang lahat ng mga palataan na mararamdaman magmula sampu magpahanggang tatlumpong taon pagkaraan ng pamamahinga ng mga sintomas. Kasama sa mga palatandaan sa yugtong ito ang pagkakaroon ng mga malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katwan at pagbagsak ng ilong. Kabilang naman sa mga kumplikasyon ang pagkawala ng paningin, pagkawala ng pandinig, pagkalumpo, at pagsusungki-sungki ng mga ngipin. Nagkakaroon din ng sakit sa mga kabutuhan, sakit sa puso, at karamdaman sa utak. Maaaring mamatay sa panahong ito ang taong may sakit kaya’t itinuturing ito bilang pinakamapanganib na yugto ng sipilis. May kahirapan na sa pagbibigay ng lunas kapag humantong na sa yugtong ito.
This article uses material from the Wikipedia Tagalog article Sipilis, which is released under the Creative Commons Attribution-ShareAlike 3.0 license ("CC BY-SA 3.0"); additional terms may apply (view authors). Maaaring gamitin ang nilalaman sa ilalim ng CC BY-SA 4.0 maliban kung nabanggit. Images, videos and audio are available under their respective licenses.
®Wikipedia is a registered trademark of the Wiki Foundation, Inc. Wiki Tagalog (DUHOCTRUNGQUOC.VN) is an independent company and has no affiliation with Wiki Foundation.